Thursday, May 17, 2012

ang apoy at tukso ay iisa


Nakakadarang, nakakapaso
   Puno ng init ang gabi
      Magkasiping ang dalawang
          Aninong walang hugis

Pag-alabin at tunawin
   Ang titig na singlamig ng yelo
      Binabalot ng silakbo
         Ng naglilintos na paso

At nagsanib katawang pagal
   Ng hangin at ng tubig
      Nabuhay at namatay
         Tumindi, ang dugo naging pawis

Sa kainitan, sumabog
   Pagnanasa’y isinuko
      Kapalit ng pagkaimortal
         Natukso sa hamon ng laman.

Wednesday, May 9, 2012

ang tubig at ikaw ay iisa…

ang tubig at ikaw ay iisa
   malamig, payapa
      mainit, mapusok
         malalim, di maarok.
kalmado, tahimik
   sumusubo sa galit
      banayad, di masisid
         nakangiti, mapanganib.
malawak, walang hugis
   luha pag tumatangis
      nalalaro, natatampisaw
        nakakatighaw, nakamamatay.
ang iyong agos, ang aking alon
   magkasalungat, di mag-ayon
      umiikot, nanghihigop
         isip ko’t puso’y nalulunod.
ang tubig at ikaw ay iisa…

ako at ang hangin ay iisa…

ako at ang hangin ay iisa…
     nagdaraan, di nakikita
          nadarama, di mahaplos
               di mahawakan, tumatagos.
bumubulong, di marinig
     umaawit ng walang himig
          lumalamig, umiinit
               tumitindi, nananakit.
pinapadpad, lumulutang
   tinatangay, lumilisan
      alaalang nakakabagot
          parang hangin, nililimot.
ako at ang hangin ay iisa…
   nasa paligid, di nakikita,
      lumuluha, tumatawa…
         umiiyak, nag-iisa.